Hulyo 7, 2009

Kuyog!

(Mula sa sari-saring sulatin ni Eduardo Z. Lorenzo, Jr.)

Ang mga pinoy ay kilala sa mundo sa pagkakaroon ng ating tinatawag na “Bayanihan.” Naalala ko pa nga noong nasa elementarya ako, ang larawang ginagamit para ipakita ang bayanihan ay isang bahay kubo na inililipat sa pamamagitan ng pagbubuhat ng nagtulong-tulong na mga kalalakihan ng isang barrio o barangay..

Nakatutuwang isipin talaga to, na ang mga pinoy ay likas na matulungin sa kanyang kapit-bahay. Ang kuwento ng lola ko, dati daw pag wala kang sibuyas, madali manghingi sa kapitbahay. Pero ngayon daw, hindi na. Ngayon, ang kapitbahay mo pa ang magnanakaw ng sinampay mong bagong T-shirt na binili mo nang hulugan. Anak ng p*ta.

Nakakainis din minsan kapag yun ang pumasok sa isip mo. Na sira na ata ang tinatawag na bayanihan na pinasikat ng larawan ng kubong lumalakad. Tsk, dati pa pala meron nang larawan ng iskwater, matindi, buong bahay inililipat! O larawan kaya yun ng isang pamilyang napagkasunduan ng mga taong-bayan na ilipat kasi mga bwisit silang kasama? Sabi nga sa inggles “a picture paints a thousand words.”

Kapag naalala ko yung larawan na yun ng kubong buhat ng taong-bayan, minsan naiisip ko, siguro madaming utang yung mga yun kaya pinalayas! O siguro ubo nang ubo yung padre de pamilya! O baka natabig lang ng gate yung Mazda3 nya eh rumatrat na ng daldal na balak pang paabutin sa korte. Malamang walang pakisamang kapitbahay yun kaya pinagtulungan sya.

Kaya totoo rin naman pala, na siguro ay ‘unique’ sa lahing pilipino ang tinatawag na KUYOG.

Tayo lang ata talaga ang may ganoong ugali. Sa kanluran, meron mga serial killer, satin wala, pero meron tayo MASAKER! kasama sa aking paglaki ang pagtira sa isang lugar sa Tondo. Noong panahon na yun, hanggang ngayon ata, kilala ang lugar namin na pugad ng mga halang ang bituka. pero huwag ka, kapag may sumigaw na “MAGNANAKAW!” at nahuli ka, patay kang bata ka… KUYOG! Buong baranggay ay magtutulong-tulong para magbigay ng hustisya hehehehe… babanatan ka talaga at kapag may nakakita, “Pre! Tara dun! Me ginugulping magnanakaw! Tara! Makikisapak ako!”

Mabalik tayo sa bahay kubong naglalakad. Ang ating bansa ay dumaan na rin, bilang patunay ng kuyog, sa ilang mga “rebolusyon” na parang yung larawan ng pamilyang puro mabaho siguro hininga kaya napagtulungan itapon sila sa bangin kasama pati kubo nila.

EDSA, People Power, EDSA Dos, EDSA 1.2.1 CTP, EDSA 4.0 p*tah! andami! Ganyan ang pinoy! Bakit kaya ganyan ano? hindi nagustuhan ang pamamalakad ng pamahalaan… anak ng pitumput pitong puting-puting puto.. ano ginawa? Nagpunta sa kalye! Nagsisigaw!

IBAGSAK! IBAGSAK!

“pre… ano ibabagsak?”

“dre, di ko alam pero yun ang sinisigaw, makisigaw ka na lang din.”

IBAGSAK! IBAGSAK!

“pre.. pag naibagsak na, ano itatayo naten kapalit?”

“dre, sumigaw ka na lang… di ko alam eh.”

Kailan kaya nagsimulang maging ganito ang mga pinoy? Mula nung nagdesisyon na buhatin ang kubo?

“Mang Ador! Naiinis na kaming lahat sa inyo! Lumayas kayo!”

“Hindi kami lalabas ng bahay!”

“Mga kababayan! Buhatin pati bahay!” anak ng daga… ganun ba talaga?

Si Kermit the frog ang nagturo sakin ng salitang “cooperate” o makipagtulungan. Hanggang ngayon ay bitbit ko ito sa aking trabaho. Ang aming ginagawa ay isang malaking sistema, at marami kami, tulong tulong.

Umaamin ako kahit ako nakiki-kuyog din minsan, lalo kapag LECHON ang naka hain! BANATAN NA YAN! Ganyan si Juan dela Cruz, magtutulong-tulong para tulungan ka o magtutulong-tulong para pagtulungan ka. Ito ba ang tinatawag nating demokrasya? Oo ang bawat isa satin ay mayroong mahalagang papel. Pwedeng pamparami ka lang ng tao. Pwedeng ikaw ang maglilinis pagkatapos ng kuyugan. Pwedeng ikaw ang pasimuno. Pwede ring napadaan ka lang at mula sa kaibuturan ng iyong pagiging pinoy, may nakita kang maraming tao.. sumama ka naman, kasi nga pinoy ka.

Ang punto ko dito, para saan ba ang mentalidad na kuyog ng pilipino? May maganda na ba itong naidulot bukod sa stress release? Nasaan na kaya ang pamilyang nakatira dun sa kubong pinagtulungang ilipat ng mga kapitbahay nya sa hindi malamang kadahilanan? Bakit andami kong tanong? Sa Dec 25 pa rin ba ang pasko? Bakit may utong ako, hindi naman ako nagpapadede? Bakit magkagalit ang pusa at aso? Sino ang ipapalit kapag naibagsak ang kasalukuyang pamahalaan? Sino? Sino kausap ko?

2 kakatuwang puna:

jho_shmoe ayon kay ...

Kahit ilang beses ko to basahin, palagi ako natatawa!

Pinoy TO ayon kay ...

korek, kahit ako hehehe. this is one of my favorite posts by edu :)

Mag-post ng isang Komento